Biyernes, Mayo 23, 2014

Braided Rug / Tinirintas na Basahan

Ito ang pinakaunang post ko sa blog na ito. Ingles man ang pamagat ng blog ko pero naisipan kong gamitin ang wikang Filipino sa nilalaman nito. Una sa lahat, Pilipino ako. Halata naman 'di ba? Hehe! Pangalawa, marami ng mga blogs ang gumagamit ng wikang Ingles. Pero hindi ko rin magagarantiya na magiging purong Filipino itong blog ko kasi marami ding mga salita na hindi ko alam isalin sa sarili kong wika. Tulad ng DIY at weekends.

Ang post na ito ay tungkol sa ginawa kong basahan (rug). Nung naghahanap ako sa google ng mga paraan sa paggawa ng sariling rug, ito na ata ang pinakamadali para sa'kin. Sa totoo lang kahit na gaano kadali ang isang DIY, madali pa din akong ma-intimidate. Ang dami kong dahilan para i-postpone ang paggawa ng isang proyekto. Pero hindi kahapon. Kailangan ko na ng basahan sa paa!

Masasabi kong madali lang itong gawin. Kayang tapusin ang isang basahan sa maghapon. Hinayaan ko lang manood ng maraming pelikulang pambata ang mga anak ko. At kapag tulog naman sila, tsaka ko pinagpapatuloy ang pananahi.


Napakarami kong retaso. Galing ito sa mga lumang damit namin.

Paano gawin:

1. Gumupit ng mga 2 hanggang 4 na pulgadang kapal ng tela. Mas mahabang tela, mas ayos dahil dere-deretso ka lang sa pagtirintas. Kapag may bundok ka na ng retaso, kumuha ng tatlong piraso.


2. Buhulin ang isang dulo ng 3 telang ito.


3. Tirintasin ito na parang tinitirintas mo ang buhok ni Rapunzel. Hehehe! Sa bawat dulo, pinagdudugtong ko ang isa pang haba ng tela sa pamamagitan ng pagbuhol sa kanila. Pero pwede din namang tahiin ang magkabilang dulo. Kapag nakapagtirintas ka siguro ng habang mga limang talampakan, pwede mo na itong tahiin paikot, gilid sa gilid.
Paalala: Huwag tahiin ng sobrang higpit para hindi lumulobo sa gitna ang basahan.


4. Pagkatapos ang mga 3 palabas, nabuo ko din ang basahan!


Masayang pananahi sa inyo! :)


Sapatos: Chooka