Sabado, Disyembre 6, 2014

Tinirintas na hexanut na kalambigi (pulseras) / Braided hexanut bracelet


Marami na'kong nakikitang DIY ng ganitong klase ng pulseras kaya naman naengganyo din akong gumawa para sa mga kaibigan ko. Nakailang subok din muna ako bago ako nasiyahang sumulat ng tungkol sa paggawa nito. Subok lang ng subok hanggang maging perpekto din ang ginagawa natin, 'di ba?

Napakatipid ng ganitong pulseras pero ang ganda ng kinalabasan nya. Kumbaga ay upgraded na bersyon ng friendship bracelet. Nakuha ko ang hexanuts ko sa halagang P0.50 isa sa malapit na hardware sa'min. Kung ano'ng sukat nito ay hindi ako sigurado. Sinabi ko lang na gusto ko yung pinakamaliit na meron sila. Tinanong ng tindera kung para saan ko gagamitin ang ganun kadaming hexanuts at nung sinabi ko na para sa pulseras ay para bang namangha siya.

Ang mga materyales na ginamit ko dito ay 12 pirasong hexanuts, mga 3 yardang yarn, at pang-gantsilyo.


Paraan ng paggawa:

1. Dahil masyadong manipis ang yarn na nabili ko kaya naisip kong mag-gantsilyo ng isang yardang yarn. Tatlong magkakahiwalay na tig-iisang yarda ang ginantsilyo ko saka ko sila binuhol sa isang dulo at tinirintas.

2. Matapos makapag-tirintas ng mga dalawang pulgadang haba ay saka isingit ang isang hexanut kada tirintas ng isang strand.

3. Matapos maisingit sa pagtitirintas ang mga hexanuts, ituloy lang ang pagtirintas hanggang makaabot sa gustong haba ng pulseras. Sa dulo ng tirintas ay buholin ito.

4. Pagpatungin ang mga sobrang hibla sa bawat dulo ng pulseras.

5. Inipit ko ang mga ito gamit ang mga 6 na pulgadang haba ng yarn. Ginamit ko ang tatted bar knot dito. Ang bawat grupo ng nakalawit na hibla ng yarn ay buhulin.
Halimbawa ng paggawa ng tatted bar knot. (O kaya tignan ang larawang ito.)

7. Matapos gawin ang tatted bar know, maaari ng hatakin ang magkabilang lawit ng yarn para masikipan ang pulseras sa kamay.


Napakadali ng DIY na ito at siguradong magiging patok din sa iyong mga kaibigan. :)

Biyernes, Disyembre 5, 2014

Cellphone pouch / Lalagyan ng cellphone


Minsan kapag mamamalengke ako, gusto ko lang ng isang maliit na paglalagyan ng cellphone at pera ko. Yung tipong nakasabit lang sa kamay ko o kaya naman yung madaling isiksik sa bulsa ng shorts ko. Kaya heto, gumawa ako ng cellphone pouch na kakasya din naman ang pera at may hawakan sya na pwede isuot sa kamay.

Nahihilig ako sa paglalagay ng lining sa mga tinatahi kong bag o pouch na kagaya nito. Para sa'kin mas malinis tignan yung bag o pouch kapag may lining sya. Mas matrabaho pero sulit naman.

Ang mga materyales na ginamit ko dito ay dalawang uri ng tela at velcro. Mas maganda kung yung dalawang magkaibang tela ay halos magkapamilya naman sa kulay. Pero kung solid naman ang kulay ng mga tela, maaaring magkapareho ng hues o kaya naman ay magkasalungat sila ng mga kulay.



Paraan ng paggawa:

1. Nilapat ko ang cellphone ko sa tela para pag-basehan ng sukat. Mga anim na pulgada palapad at mga labindalawang pulgada pahaba (kasama na ang mga palugit para sa pagtatahi).


2. Bago ko tinahi ang mga tela, pinwesto ko muna ang mga velcro para yung ilalim na tahi ay hindi kita sa finish product. Para magawa ito, paglapatin muna ang mga tela sa kung paano ang magiging itsura nila pag tapos na. Saka markahan ang pupwestuhan ng mga velcro. Hindi ko alam kung may patakaran sa pagpwesto sa mga velcro pero naisip kong mas maiging nasa taas yung magaspang na velcro at sa baba yung malambot para mas madaling buksan.

3. Pagkatahi ng mga velcro ay pagharapin ang mga tela para ang nakikita natin yung likurang parte nila. Saka ito tahiin sa gilid pero iwanang hindi nakatahi ang isang gilid nito para may butas tayo sa pagbaliktad ng tela.
Kapag nabaligtad na ang tela, itiklop paloob yung parteng butas saka tahiin (gaya ng closeup na'to).
4. Tahiin ang handle (2 inches ang kapal at mga 6 inches ang haba). Tiklupin ang tela ng pouch na ang nakikita sa labas ay yung lining. Tahiin ang parehong gilid pero mag-iwan ng mga 2 pulgada sa isang gilid para maisiksik dito yung hawakan. Isabay sa tahi ng natitirang 2 pulgadang gilid yung hawakan.

Ayan, may pouch na tayo para cellphone. :) Maligayang pananahi!