Linggo, Agosto 17, 2014

Naka-pin na mga bulsa / Pinned pockets


Sa totoo lang, hindi ako sigurado kung tama ang pagkakasalin ko sa Filipino ng aking pamagat. Gayunpaman, ginamit ko pa rin ang salitang bulsa dahil mukha namang bulsa ang ginawa ko. (Pero kung may suhestyon kayo, sabihan nyo lang ako.)

Napansin kong nagpatung-patong na ang iba't ibang bills at notes sa lamesa ko kaya naisipan kong panahon na upang isaayos ang mga ito. Kahit na madalas kong gawing rason sa sarili ko na magandang ehersisyo sa utak ang gumawa ng mental notes sa mga dapat bayaran, dapat gawin sa isang linggo, dapat bilhin at iluto, at kung anu-ano pa, sa bandang huli magandang may back-up ka pa rin kung sakali lang magkalitu-lito ka na.

Ang mga materyales na ginamit ko sa simpleng DIY na ito ay:

• Makapal na tela na may magandang disenyo (maaaring iba't ibang disenyo o kaya naman ay pare-pareho pero iba-iba ng kulay, o pareho lahat)
• Manipis na sinulid na may ka-kulay sa telang gagamitin (kulay puti ang ginamit ko) at karayom (tinahi ko 'to gamit lang ang mga kamay ko)
• Cork board at thumb tacks
• Clipboard (optional)


Gumupit ako ng 6 na pulgada palapad at 20.25 na pulgada pahaba ng tela. Sa isang dulo tinupi ko ito ng 2.75 na pulgadang kapal. Sa kabila naman ay 3.75 na pulgada.


Tinahi ko ang nakatuping bahagi na ito.


Pagka-tahi ng bawat tupi ay pinagpatong ko ang mga bahaging ito. Ibig sabihin ay hindi magpapantay ang bawat dulo ng tela. Pagkatapos ay tinahi ang gilid nito ng nakabaliktad ang tela.


Pagkatapos matahi ang bawat gilid, baliktarin muli ang tela upang ang nakikita sa labas ay ang bahaging may disenyo.


Pagkatapos gawin ito sa iba pang bulsang gagawin, i-pin sila sa cork board gamit ang thumb tacks.

 
Dahil walang pang-sabit ang cork board ko, gumamit ako ng clipboard para pwede ko syang isabit.


Ngayon mas maayos na ang mesa ko! :)




Biyernes, Agosto 15, 2014

Naka-kwadrong larawan / Framed pictures

Una sa lahat, sa sobrang daling ibahagi ng ating mga larawan sa internet, madalas na nating nakakaligtaan ang kahalagahan ng pagkakaroon ng hard copies ng mga ito. Ako ay aminadong hindi ko na naiisip ipa-print ang mga larawan namin. Magastos, maaksaya sa ink at papel, at madalas na kami lang sa bahay ang makakakita.

Kaya naman ang tanong ngayon ay bakit ako gumawa ng kwadro para sa ilang larawan namin?

Naisip kong magandang palamuti sa  simpleng dingding ang mga ito. Maganda din silang paalala na maganda ang mga nangyari sa iyong kahapon at pwede mo pang gawing mas masaya ang ngayon at bukas.

Dadalawa pa lang itong nailagay ko sa kwadro. Umaasa akong mapapadami ko pa ito dahil ang dalawang larawan sa dingding ay hindi sapat na palamuti.

Ang mga materyales na ginamit ko dito ay:

• Karton ng gatas
• Makukulay na papel
• Double-sided tape
• Glue
• Gunting

Nagpa-print ako ng ilang larawan namin sa Instagram para maipadala sa aking mga magulang sa ibang bansa. Ang natira lang sa akin ay dalawang piraso. Ito ang mga ilalagay ko sa kwadro.


Iginuhit ko ang sukat ng litrato sa karton ng gatas. Mula sa bawat guhit na yon ay sumukat ako ng isang pulgada palayo at saka ito ginupit. Ang nagupit na karton ang ginamit ko para maiguhit ang sukat nito sa makulay na papel. Saka naman ako nagsukat ng isang pulgada at isang sentimetro papasok upang makagawa ng butas sa gitna. Idinikit ko ang larawan sa karton gamit ang double-sided tape.


Nilagyan ko ng glue ang bahagi ng karton na pagdidikitan ng makulay na papel.


Pagkadikit ng papel sa karton, pinatungan ko ito ng mabigat na libro para pantayin ito. Mga ilang minuto lang ay tuyo na ang glue. Maari ng i-display ang larawang naka-kwadro.


Maagang pagbati ng maligayang weekend sa inyo!




Huwebes, Agosto 14, 2014

Bagong panimula / New Beginning

Nung nakaraang linggo, sinara ko ang isang masayang yugto sa buhay ko: ang buhay opisina. Pero di naman talaga ibig sabihin na hindi na ako magtatrabaho. Pinili kong maging home-based dahil sa maraming rason. Una na ang magkaroon ng mas maraming oras para sa mga anak ko. Ikalawa ay magkaroon ng oras para sa mga bagay na hilig kong gawin tulad ng pagguhit. Malaking oras ang kinakain sa araw-araw ko sa byahe pa lang. Traffic, pagiintay sa pampublikong sasakyan, pagpila sa mga sakayan.

May halong takot at pananabik ang naramdaman ko sa pagpasok ko sa mundo ng pagtatrabaho sa bahay. Natatakot ako dahil una ay kailangan kong gumawa ng imaginary boundaries sa trabaho at sa bahay. Mas madali akong mawala sa focus dahil sa mga anak kong maya-mayang nag-ma-"Mommy!" Kahit na may taga-bantay sila, kapag nakikita nila ako ay mas gusto nilang sa akin magpabuhat, magpahele, magpaligo. Nakakataranta man paminsan (lalo na siguro kapag andyan na ang sabay-sabay na deadlines), ngunit sila din naman ang pinagmumulan ng kaligayahan ko at inspirasyon.

Nakakapanabik din ang mga bagong bagay na matututunan ko sa bagong trabaho (at buhay) ko.


Ganito ang bagong setup ng "opisina" ko. Wala ngang aircon at hindi ako makakaporma araw-araw pero sa paglingon ko makikita ko kaagad ang mga anak ko. Madaling puntahan ang refrigerator. Mas komportable ang banyo. Sa paggising ko, hindi ko pinoproblema ang traffic. Hindi ko kailangan makipagsiksikan sa bus o pumila ng mahaba para makasakay sa van.

Pero hindi rin naman ibig sabihin na madali ang bagong yugtong ito. Mainit, maingay din ang mga bata lalo na pag nagsabay silang umiyak, walang maka-chika (in person) dahil karamihan sa kausap mo ay ka-messenger o ka-skype o ka-hangouts o ka-viber mo lang.

Sa huli, ang masasabi ko lang ay sa lahat naman ng bagay ay may kagandahan at may kapangitan. Salamat dahil ang mas pinapahalagahan ko ay ang nakikita kong magandang bagay sa isang bagay, tao, o pangyayari.


Ngayon, kumpleto kami sa bahay dahil holiday sa probinsya namin. Masaya magtrabaho kahit saan lalo na basta para sa pamilya natin.