Huwebes, Agosto 14, 2014

Bagong panimula / New Beginning

Nung nakaraang linggo, sinara ko ang isang masayang yugto sa buhay ko: ang buhay opisina. Pero di naman talaga ibig sabihin na hindi na ako magtatrabaho. Pinili kong maging home-based dahil sa maraming rason. Una na ang magkaroon ng mas maraming oras para sa mga anak ko. Ikalawa ay magkaroon ng oras para sa mga bagay na hilig kong gawin tulad ng pagguhit. Malaking oras ang kinakain sa araw-araw ko sa byahe pa lang. Traffic, pagiintay sa pampublikong sasakyan, pagpila sa mga sakayan.

May halong takot at pananabik ang naramdaman ko sa pagpasok ko sa mundo ng pagtatrabaho sa bahay. Natatakot ako dahil una ay kailangan kong gumawa ng imaginary boundaries sa trabaho at sa bahay. Mas madali akong mawala sa focus dahil sa mga anak kong maya-mayang nag-ma-"Mommy!" Kahit na may taga-bantay sila, kapag nakikita nila ako ay mas gusto nilang sa akin magpabuhat, magpahele, magpaligo. Nakakataranta man paminsan (lalo na siguro kapag andyan na ang sabay-sabay na deadlines), ngunit sila din naman ang pinagmumulan ng kaligayahan ko at inspirasyon.

Nakakapanabik din ang mga bagong bagay na matututunan ko sa bagong trabaho (at buhay) ko.


Ganito ang bagong setup ng "opisina" ko. Wala ngang aircon at hindi ako makakaporma araw-araw pero sa paglingon ko makikita ko kaagad ang mga anak ko. Madaling puntahan ang refrigerator. Mas komportable ang banyo. Sa paggising ko, hindi ko pinoproblema ang traffic. Hindi ko kailangan makipagsiksikan sa bus o pumila ng mahaba para makasakay sa van.

Pero hindi rin naman ibig sabihin na madali ang bagong yugtong ito. Mainit, maingay din ang mga bata lalo na pag nagsabay silang umiyak, walang maka-chika (in person) dahil karamihan sa kausap mo ay ka-messenger o ka-skype o ka-hangouts o ka-viber mo lang.

Sa huli, ang masasabi ko lang ay sa lahat naman ng bagay ay may kagandahan at may kapangitan. Salamat dahil ang mas pinapahalagahan ko ay ang nakikita kong magandang bagay sa isang bagay, tao, o pangyayari.


Ngayon, kumpleto kami sa bahay dahil holiday sa probinsya namin. Masaya magtrabaho kahit saan lalo na basta para sa pamilya natin.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento