Kamusta? Paggising ko kaninang umaga ay binati ako ng malamig na simoy ng hangin. Amoy Pasko na sa amin! Pero pinipigilan ko pa ang sarili kong ilabas ang mga palamuti naming pam-Pasko. Kaya naman kanina ay naisipan kong gumawa ng madaling proyektong bagay naman sa nalalapit na Araw ng mga Patay.
Hindi ako lumaki sa tradisyon ng Halloween. Basta kapag sasapit ang ika-1 at 2 ng Nobyembre ay nagtitirik kami ng kandila sa labas ng bahay at tahimik na ipinagdadasal ang mga sumakabilang buhay naming kamag-anak. Madalas din ay dinadalaw namin sila sa sementeryo. Hindi ko sila lubos na kilala. Simula ng magkamalay ako ay wala na akong kinagisnang mga lolo at lola kaya naman ang mga ipinagtitirik namin ng kandila ay para bang ginagawan ko na lang ng kwento sa isipan ko. Nagpapakwento ako sa Mama ko kung anong klaseng mga magulang ang mga lolo at lola ko, kung paano ang buhay nila noon, kung paano sila namatay.
Nung una, para sa'kin ang sugar skull ay isang magandang uri ng sining. Pero naisipan kong alamin ang pinanggalingan nito para lubos ko ring maintindihan kung bakit ito ginagawa. (Para sa kwento ng sugar skull, maaari nyo 'tong i-google o kung may kaibigan kayong Mexicano o sadyang mahilig lang sa sugar skull, magpakwento na lang kayo sa kanila. Hehe!) Ngayon mas naiintindihan ko na kung bakit ito makulay at mukang isang masayang bungo: dahil ang masayang kaluluwa ng ating mga namayapa ay nangangahulugan din ng masayang pamumuhay nating mga nabubuhay pa.
Ang orihinal na sugar skull ay gawa talaga sa asukal. Pero dahil wala akong maraming asukal sa ngayon at ayokong makakita ng mahabang pila ng mga langgam sa bahay namin kaya minabuti kong gumawa na lang sa papel.
Ang mga materyales na ginamit ko:
• Cartolina
• Crepe paper (iba't ibang kulay)
• Scotch tape
• Poster paint at paint brush
• Lapis
• Gunting
• Tali
Paraan ng paggawa:
1. Para sa mga bulaklak natin, pumutol ng mga 1 o hanggang 2 pulgadang kapal at mga 2feet na haba ng crepe paper. Simula sa isang dulo nito, lukutin ang ilalim na bahagi habang iniikot ito. Pag natapos na ay gumamit ng scotch tape para manatiling magkakasama ang ilalim na bahagi ng bulaklak.
2. Sa cartolina, gumuhit ng isang malaking bungo saka ito gupitin.
3. Sa taas na bahagi ng bungo ay dikitan ito ng mga papel na bulaklak na para bang meron syang suot supil na bulaklak.
4. Pintahan ang mukha ng bungo gamit ang poster paint (o pwede din namang ibang pangkulay). Kinuha ko ang inspirasyon sa kalendaryo kong ito na sining ni Thaneeya McArdle. Katulong ko ang anak ko sa pagpipinta. Siya ang nagsasabi sa'kin kung ano'ng kulay ang gagamitin sa mata o sa ilong o sa mga ngipin ng aming bungo. Ang tawag nya dito ay "'Ganda ng Takot" (Scary Beautiful).
Hindi man mukhang pang-Halloween ang aming palamuti sa bahay pero siguradong masisiyahan naman ang mga namayapa naming kamag-anak sa nais na ipahatid ng sugar skull na ito.