Miyerkules, Oktubre 15, 2014

Tote bag



Matagal ko ng naihanda ang mga telang gagamitin ko para sa tote bag na ito. Pero palagi kong inisasantabi ang proyektong 'to kasi gusto ko sanang naka-rivets ang hawakan. Sa kasamaang palad ay hindi ako makahanap ng kailangan kong rivets para dito kaya pinagpasyahan ko na lang na tahiin ang mga hawakan sa bag. Nakuha ko ang inspirasyon dito.


Ang mga materyales na ginamit ko ay:

  • Dalawang klase ng tela (yung sa'kin ay isang chevron canvas at isang manipis na tela para sa lining)
  • Leather strap (na nakuha ko naman mula sa lumang bag ko na bumigay na matapos ang ilang taong pag-abuso paggamit ko dito)
  • Gunting
  • Sinulid at karayom (tinahi ko 'to gamit na naman ang mga kamay ko lamang dahil mas tiwala ako dito kesa sa makina ko)
Paraan ng paggawa:

1. Gumupit ako ng kaparehong sukat mula sa blog na pinag-gayahan ko ng bag: 30cm x 82cm (kasama na ang pa-sobra sa gilid na tatahiin).
2. Magkabukod munang tahiin ang dalawang tela na nakabaliktad.


3. Matapos tahiin ay gumawa ako ng tatsulok sa magkabilang dulo ng ilalim na bahagi ng bag. Mga dalawang pulgada (2") ang "taas" ng tatsulok.


4. Sa puntong ito meron na tayong dalawang "bag": isang canvas at isang pang-lining. Baligtarin ang lining para ang nakikita sa labas ay yung "malinis" na bahagi. Tapos ipasok ito sa canvas bag (na hindi natin babaligtarin).


5. Tahiin ang taas na bahagi ng bag pero mag-iwan tayo ng mga anim na pulgadang butas para mabaligtad natin ang bag.


6. Mula sa butas ay baligtarin ang bag. Pagkabaligtad, ipasok na ang lining sa loob ng canvas bag tsaka tahiin ang butas.


7. Yung leather strap na nakuha ko ay may tahi na sa gilid kaya sinundan ko na lang ito para maitahi ito sa bag.



Masaya ako na natapos ko din ang proyektong ito. Isa ito sa listahan ko ng DIY na ipanreregalo ko sa darating na Pasko. Masayang pag-DIY sa ating lahat!

4 (na) komento:

  1. Naalis ng isang administrator ng blog ang komentong ito.

    TumugonBurahin
  2. Ganda! Gawan mo din ng padding sa baba para maging sturdy, in place pag naglagay ka ng tumbler na me tubig sa loob. :)

    TumugonBurahin