Marami na'kong nakikitang DIY ng ganitong klase ng pulseras kaya naman naengganyo din akong gumawa para sa mga kaibigan ko. Nakailang subok din muna ako bago ako nasiyahang sumulat ng tungkol sa paggawa nito. Subok lang ng subok hanggang maging perpekto din ang ginagawa natin, 'di ba?
Napakatipid ng ganitong pulseras pero ang ganda ng kinalabasan nya. Kumbaga ay upgraded na bersyon ng friendship bracelet. Nakuha ko ang hexanuts ko sa halagang P0.50 isa sa malapit na hardware sa'min. Kung ano'ng sukat nito ay hindi ako sigurado. Sinabi ko lang na gusto ko yung pinakamaliit na meron sila. Tinanong ng tindera kung para saan ko gagamitin ang ganun kadaming hexanuts at nung sinabi ko na para sa pulseras ay para bang namangha siya.
Ang mga materyales na ginamit ko dito ay 12 pirasong hexanuts, mga 3 yardang yarn, at pang-gantsilyo.
Paraan ng paggawa:
1. Dahil masyadong manipis ang yarn na nabili ko kaya naisip kong mag-gantsilyo ng isang yardang yarn. Tatlong magkakahiwalay na tig-iisang yarda ang ginantsilyo ko saka ko sila binuhol sa isang dulo at tinirintas.
2. Matapos makapag-tirintas ng mga dalawang pulgadang haba ay saka isingit ang isang hexanut kada tirintas ng isang strand.
3. Matapos maisingit sa pagtitirintas ang mga hexanuts, ituloy lang ang pagtirintas hanggang makaabot sa gustong haba ng pulseras. Sa dulo ng tirintas ay buholin ito.
4. Pagpatungin ang mga sobrang hibla sa bawat dulo ng pulseras.
5. Inipit ko ang mga ito gamit ang mga 6 na pulgadang haba ng yarn. Ginamit ko ang tatted bar knot dito. Ang bawat grupo ng nakalawit na hibla ng yarn ay buhulin.
Halimbawa ng paggawa ng tatted bar knot. (O kaya tignan ang larawang ito.) |
Napakadali ng DIY na ito at siguradong magiging patok din sa iyong mga kaibigan. :)